Layunin
Hinangad po ng grupong AHON na maisakatuparan
ang maayos na pakikipagunayan sa pamunuan at sa komunidad upang mapagtulungang
maisaayos at maitanghal ang Mt.Lansay at Pulang Lupa Hill bilang mga potensyal
na atraksiyon ng brgy Banilad.
Ang pangunahing layunin ng grupo
sa pagsasagawa ng proyekto ay ang adhikaing maipagpapatuloy ng mamamayan ang
pagkilala at kahalagahang dulot ng Mt. Lansay at Pulang Lupa Hill. Walang
humpay na tamasahin ang mga biyayang nagmumula sa mga ito lalo at higit sa
pagpapanatili ng pangangalaga at pakinabang sa natural nitong kapaligiran sa
kabila ng mga pagbabago ng panahon at modernisasyon ng mga pamayanan.
Yakapin ang mga pagbabago sa
paraan ng pamumuhay ngunit manatili ang pagmamahal sa kalikasan na siyang pusod
ng kaginhawaan at katiwasayan ng mga mamamayan ng barangay. Magkaroon ng mga
pagkakataong makalinang pa ng ibang anyo ng pagkakakitaan na hindi tatalikuran
ang mga tradisyong naging katangian ng mga taong naninirahan sa pamayanan.
Munting Kasaysayan
Likas na maganda ang kapaligiran
ng brgy Banilad. Mayaman ito sa luntiang kabukiran na pinaninirahan ng iba
ibang uri ng ibon. Mga burol, masaganang
bukal na pinagkukunan ng tubig ng mga tahanan, talon at mga batis paliguan. Hindi rin nalalayo ang
brgy Banilad sa sentro ng kabayanan ng Nagcarlan, may magandang daanan patungo
at palabas sa lugar at higit pa rito, mababait at nagkakaisang mga naninirahan.
Bagaman payak ang pamumuhay, ang tila paraisong lugar na ito ang siyang
naging dahilan upang itanghal at
hinangad ipagmalaki sa balana.
Mula 2018 hanggang sa panahong kasalukuyan, matapos unti-unting hawanin at linisin ang kasukalan ng mga landas at paligid patungo sa taluktok ng mga burol ng mga nagkakaisang naninirahan sa nayon, isang ideya upang mapatingkad ang pagpapakilala sa lugar ang isinagawa ng grupong AHON at unti-unting nilagyan ng mga makukulay na birdhouses at ilang signages ang mga puno sa taluktok ng Mt. Lansay. Tinagurian ng grupong AHON ang pagkilos na “The Birdland Project” akmang akma sa pangalan ng brgy Banilad o sa simpleng katawagan na “Banilad Birdland”.
Kasalukuyang Kalagayan
Nananatiling payak maging
hanggang sa kasalukuyan ang pamumuhay ng mga naninirahan sa barangay Banilad. Bagaman batid ng mga mamamayan ang kasaysayan
ng lugar…nanatiling lupang sakahan lamang ang kalawakan na pinagkukuhanan ng
pangunahing kabuhayan ng lokalidad.
Isang natatanging pagkakataon ang
ipinagkaloob sa kasalukuyang pamunuan ng brgy
Banilad at sa grupong AHON na pagyamanin at itanghal ang Mt. lansay pati
na ang karatig nitong Pulang Lupa Hill at muling ipakilala sa balana lalo na sa
bagong henerasyon ang kabuluhan at kahalagahan sa pamayanan ng mga natural na
pook tulad ng Mt. Lansay at Pulang Lupa
Hill.
Ang Pagsilang ng Mt. Lansay Birdland at Pulang Lupa Hill bilang
potensyal na Atraksiyon
Ang Mt. Lansay at Pulang Lupa
Hill ay mga lupaing pag-aari ng mga pribadong mamamayan ng Nagcarlan. Mga lupang sakahan na bukas sa simumang tao
na nagnanais bumagtas sa mga landas patungo sa iba pang lupang sakahan o sa iba
pang mga barangay karatig ng barangay Banilad.
Malayang nakadadaan ang mga mamamayang lokal patungo at palabas sa
kanikanilang lugar nasasakupan. Sa kasalukuyan, pinagtutulung-tulungan ng mga
mamamayang lokal isinaayos at hawanin ang masusukal na landas paakyat sa Pulang Lupa Hill at Mt.
Lansay. Ang araw ng Sabado ang inilaan ng mga mamamayan upang linisin at
isaayos ang kapaligiran . Pinayabong ang mga tradisyunal at karaniwang halaman
at pinagyamang iginayak sa paligid ng Mt. Lansay at Pulang Lupa Hill. May mga upuan mula sa mga natural na material
na inilagay sa ilang piling lugar at mga “directional signs” patungo at tumutukoy
sa iba pang atraksiyon ng lunan. Sa
taluktok ng Mt. Lansay kung saan ang mga puno ay nilagyan ng mga makukulay sa
“birdhouses” at binansagan ang lugar sa turing na “Birdland” halos katunog ng
pangalan ng lunan na “Banilad”. Sariwa at maaliwalas ang hangin dulot ng
luntiang kapaligiran at ang mga naggagandahang tanawin na matutunghayan
sa taluktok ng mga lugar.
Hindi nalalayo sa Mt. Lansay ang Pulang Lupa Hill. May taas itong humigit kumulang 260 masl na may kakaibang kulay pulang lupa at pinaniniwalaang inanak ng magiting na bulkan Banahaw libong taon na ang nakalilipas. Sa Pulang Lupa Hill lubos na matatanaw ang kabayanan ng Nagcarlan, ang makasaysayang Underground Cemetery at Lumang kampanaryo ng Simbahang Romano Katoliko. Sa katimugang bahagi naman ng Burol lantad ang kabuuang hugis ng mga matatayog na bundok Banahaw at San Cristobal. Naglagay ang barangay ng hagdan na may dalawang daan at pitumpu’t walong baytang (278 steps). Ang paanan ng hagdan ay nasa tabi ng ilog Banilad na bumagtas sa konkretong Yukos-Banilad barangay Road.
Mga Isyung Kinakaharap
Ang Adbokasiya ng LNT o Leave No
trace Outooor Principles ang isinusulong ng grupong AHON na sa lahat ng sandali
ay siya sanang maging sandigan sa pagtataguyod
at mapanatili ang respeto sa kalikasan. Bago pa man lubos na maipakilala
at maipaalam sa lahat ang adbokasiya ng LNT, kasabay ng pagiging tanyag ng mga
lugar pasyalan na nabanggit ay ang pagusbong ng mga suliraning pang kalinisan
at pangkaayusan. Ito ay ang mga
sumusunod:
Kaakibat ng dami ng mga bisita sa
lugar ang hindi maiiwasang naiiwan na mga basura sa kung saan-saang bahagi ng
lugar atraksyon at mga landas patungo sa karatig lugar. Mga balat o wrappers ng mga pagkain at kendi,
mga boteng lalagyan ng tubig or energy drinks, face masks, napkins at facial
tissues at mga upos ng sigarilyo at kung anu-ano pa. Naiwan o kusang iniwan at kung minsan,
itinago pa sa mga lugar na hindi hayag. Marahil hindi na nagabala pa para
dalhin pababa at itapon sa tamang lagayan o
kaya naman ay mainam na dalhin pauwi pabalik sa kani-kanilang mga tahanan.
May mga ilang pagkakataon ng pagsisiga sa paligid gamit ang mga tuyong sanga ng puno o mga tuyong bunot mula sa mga niyog na tinapasan.
Bagaman batid ng mga may ari ng
sakahan ang kasalukuyang kalagayan ng mga lupain at ang pagiging tanyag na
atraksyon ng mga lugar sa mga lokal na mamamayan at maging sa dayuhan, hindi pa
nagkakaroon ng maayos na pagkakaintindihan ang mga kinauukulan mula sa mga nanunungkulan
sa barangay.
Pagsasakatuparan ng Pulang Lupa Hill at Mt. Lansay Birdland Clean-up
and LNT Project
Upang itaguyod ang Pulang Lupa
Hill at Mt. Lansay Birdland bilang mga bagong atraksyon ng barangay Banilad, nagsagawa
pa ng kaugnay na proyekto ang grupong AHON upang mapanatili ang kalinisan at
kaayusan ng Pulang Lupa Hill at Mt. Lansay.
Tinawag ang proyektong “Pulang Lupa Hill at Mt. Lansay Birdland Clean-up
and LNT Project”. Matapos maglagay ng
mga karatulang nagpapaalala sa lahat ng mga dapat gawin at hindi dapat isagawa
kaugnay sa kalinisan at iba pang bagay sa pagsasaalang-alang na rin sa “Minimum
Health Standards” na ipinatutupad kaugnay sa nararanasang pandaigdigang
Pandemya dulot ng Covid-19 Virus., Lunes hanggang Biyernes simula buwan ng Mayo
2021 hanggang buwan ng Hulyo 2021, matiyagang nagmatyag ang mga kasapi ng
grupong AHON at naglinis sa paligid ng Pulang Lupa Hill at Mt. Lansay Birdland
kasama na rin ang mga landas ng nagdudugtong sa mga ito. Nilinaw ng grupong AHON na bagaman boluntaryo
silang magpapantili ng kalinisan ng mga lugar, minarapat nilang maging tahimik
sa kanilang mga gawain at walang anumang komprontasyon na magaganap sakaling
makita at mahuli ang sinuman na tahasang nagiiwan ng mga basura sa paligid. Bolunterismo
ang konseptyo ng grupong AHON at hindi ninais na ilagay sa kanilang mga kamay
ang pagpaptupad sa umiiral na batas pangkalinisan at pangkalikasan. Sa halip,
nais ng grupong AHON na magpakita ng inisyatibo at magandang halimbawa sa lahat
upang maibalik ang kamalayan ng ang mamamayan sa Prisipyo ng Disiplinang
Pampamayanan.
Kinalap po ng grupong AHON ang samut-saring mga opinion at naisin mula sa mga lumahok sa 3-buwan ng Clean-up and LNT drive at mga taong nakasalamuha na nakatunghay sa kasalukuyang kalagayan ng Mt. Lansay Birdland at Pulang Lupa Hill. Ito po ang mga sumusunod:
Sa Isyu ng Kalinisan
·
Lagyan ng mga karatula upang magbigay patnubay
sa tamang pagkilos sa lugar
·
Kusang alisin ang mga basurahan sa mga burol, sa
halip magtalaga ng maayos nalagakan ng mga basura sa mga piling lugar malapit
sa mga kabahayan o sentro ng barangay
·
Magkaroon ng
alintuntunin patungkol sa kalinisan, pagbabawal sa pagkuha ng mga
halaman o anumang bagay sa paligid ng lugar atraksyon
·
Magtalaga ng mga taong barangay na regular na
maguusisa at magpapaalala sa mga bisita
kung ano ang nararapat na asal sa mga lugar
·
Ituloy-tuloy ang bayanihang barangay sa mga
lugar atraksiyon
·
Humikayat ng mga NGO boluntaryong tutulong sa
pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng paligid. Stewardship Programs
·
Magtakda din ng Park Holidays o araw/mga araw ng
pahinga upang makaarecover ang kapaligiran sa epekto ng sobrang pagtanggap ng
mga bumibiita sa mga lugar.
·
Magkaron ng educational campaign ang barangay na
magbibigay impormasyon at magtuturo una na sa mga local na naninirahan sa lugar
at sa mga bisita ng tamang pagamit o pakikinabang ng mga lugar atraksiyon.
·
Paghikayat sa mga mamamayan na lumahok sa mga
programang pangkalikasan gaganapin sa mga lugar atraksiyon
·
Ang pagiwan ng mga pinakainan at mga balat ng
pagkain, maging organiko man ay ipagbawal.
·
Pa-igtingin ang pagbibigay ng impormasyon sa mga
tao. Gumamit ng samut-saring pamamaraan para maipaabot at maipaunawa sa madla
ang mga layunin ng LGU una na sa pagtatanghal ng mga luigar atraksiyon at mga
alituntunin na ipinatutupad ng mga nakakasakop dito. Sa makabagong panahon ng
teknolohiya ngayon, kung saan You tube,
webinars, Facebook, tiktok at kung anuano pa, hindi na mahirap at mahal
makagawa ng mga educational materials na makapagbibigay impormasyon sa lahat.
Gamitin ng wasto sa lubos na pakinabang ng mga nagpapatupad ng mga alituntunin.
Sa Isyu ng Kaayusan
·
Magkaroon ng mga pagkilos upang ipaalam sa lahat
ang mga nagawa nang batas na samasaklaw sa pangangalaga at proteksiyon sa
pagkasira ng kalikasan. Batas NIPAS RA. 7586 (1992) R.A. 11038 (2013)
·
Magkaroon ng pagpataw ng kaparusahan sa mga
mahuhuling nagnanakaw ng flora at fauna sa lugar
·
Gumawa ng barangay nursery kung saan magtatanin
at magpapalago ng mga halamang matatagpuan sa paligid. Sa barangay nursery
makakabili ng mga halaman sa makatuwirang halaga. Ang pagkakaroon ng ganitong
serbisyong barangay, inaasahang maiiwasan na ang pagnanakaw ng flora at fauna
at magkakaroon pa ang pamayanan ng bagong kabuhayan.
·
Ang paggamit ng mga gadgets na nakakapukaw
pansin o nakakakabulahaw sa kapwa mga bisita ay hindi pinapaboran. Manatiling
tahimik at igalang ang kapwa mga bisita.
·
Ang pagsusulat sa mga puno, bato, halaman sa
kalupaan ay ipinagbabawal
·
Hayaan lang natin ang mga hayop na makikita
natin sa kapaligiran. Huwag natin silang lapitan, hawakan, paglaruan o bigyan
ng kahit anong pagkain.
·
Huwag harangan ang mga lugar daanan sa lahat ng
oras. Sa paglalakad, manatiling “single file” at bigyan ng puwang ang
kasalubong na umaakyat.
·
Sa paggamit ng mga landas pati na rin kalsada
habang nag-eehersisyo, manatili sa gawing kaliwa ng daan at huwag maging abala
sa iba pang gumagamit ng daanan.
Sa isyu ng Pagsisiga
·
Magkaron ng itinalagang “Fire Pit” kung saan
tanging doon lamang maaaring magsiga na may pagsangayon ang barangay.
·
Ang idea ng pagsisiga sa ginawang fire pit sa
lugar atraksiyon ay papayagan lamang kung ito ay may pahintulot sa barangay. Sa
pahintulot nakahanay ang mga limitasyon sa paggamit ng apoy, mga gamit
panggatong, at takdang oras ng pagsisiga. Ang lahat ng bagay na hindi nakasaad
sa pahintulot mula sa barangay ay tinututulan at may katapat na kaparusahan.
·
Ang pagsisigarilyo ay hindi pinahihintulutan sa
mga lugar atraksiyon. Dahil may batas nang ipinagbabawal ang pagsisigarilyo sa
mga pampublikong lugar (Clean Air Act of 1999 at PPRD Executive Order No.
26) , inaasahang wala din labi ng mga
upos ang matatagpuan sa paligid.
·
Ang overnight camping ay hindi pinahihintulutan
sa mga lugar atraksyon.
·
Huwag puputol o pipinsala ng mga punong kahoy at
lahat ng mga halaman sa kapaligiran
Sa isyu ng Maayos na Unawaan
ng mga May-ari ng Lupa at mga Nanunungkulan na nagpapatupad sa Programa
Pangturismo.
·
Isang kasunduan na sasang-ayunan ng lahat ng mga
taong may kaugnayan sa angkop na Development Plan na babalangkasin at issagawa para
sa lugar.
·
Mga obligasyon ng mga kinauukulan na sasaklaw sa
mga isyu ng seguridad, paraan pangangalaga at tamang pagpapaunlad sa
kapaligiran, pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan.
·
“Kailangan bang magpataw ng FEES sa mga lugar
atraksiyon?”. Isa pang isyu na kailangan magkaroon ng maliwanag na intindihan
at disposisyon ang mga kinauululan at hayag din sa kaalaman ng mga tao sa
pamayanan.
·
Isulong ang isang kaisipan na huwag nang
magpataw ng anumang Fee sa mga bisita, sa halip pagtulungtulungan pa ng
pamayanan na itaguyod ang mga lugar atraksiyon. Ang pagtangkilik ng mga bisita
sa mga lugar atraksiyon kung tutuusin ay sapat nang kabayaran upang makapagbigay
oportunidad sa pamayanan ng mga karagdagang pagkakitaan. Sa ganitong paraan,
ang mga bisitang mamimili na ang magsasadya sa lugar at tangkilikin ang mga
paninda na ani ng mga mamamayan, prutas, gulay, mga halamang pananim, mga
tradisyunal na kakanin na kinagigiliwan ng mga dayuhan tulad ng bibingka, puto,
nilupak, tablea, pulot pukyutan, suka, mga inumin mula sa katas ng mga prutas
at kung anu-ano pa na maaaring maging souvenir o remembrance sa pagbisita sa
lugar..
·
Pagsisikap ng pamunuan na maisakatuparan ang
pagtatalaga ng ilang piling lugar bilang “Sanctuary” kung saan, pananatilihing
sagrado at walang babaguhin sa kanilang natural na anyo at kagandahan, walang
ilalagay o itatayo na anumang istruktura na makapagbabago sa hitsura at
pakiramdam sa lugar. . Bagaman Non-Alienable and non-disposable, ang mga piling
lugar naman na ito ay silbing kayamanan na isa sa mga dahilan kung bakit
kinawiwilihang bisitahin o tanawin ang lugar.
Repleksiyon sa mga Isyu
nailahad
Kalinisan
Samut-sari ang problemang
kinakaharap ng ating pamayanan. Sa dami at laki ng mga isyu ng lipunan, ang
suliranin sa kalinisan sa labas ng mga tahanan ay isang paksa na napansin naman
ng mga kinauukulan ngunit ang pagkakaroon ng matibay at panghabangbuhay na pagkilos
upang tuluyang iwaksi ito , sa aming palagay ay hindi naisasaalang-alang.
Pansinin mo ang isang batang paslit nang mabigyan ng barya ng kaniyang
magulang. Saan siya pupunta? Sa tindahan
at ibibili ang hawak-hawak na barya ng pagkaing nakahahalina sa kanya. Matapos
makabili, habang naglalakad at nakatutok sa kanyang hawak, dahan-dahang
bubuksan at agad na isusubo ang laman ng biniling pagkain. At ang balat na
kanya ring hawak ay agad namang bibitawan ng walang pasubali hanggang ang balat
ay bumagsak sa lugar na kanyang nilalakaran. Normal na senaryo na ating
nasasaksihan araw-araw.
Bawal ba ang pagkakalat? Ang sabi
ng batas na inakda ay bawal ito. May sapat bang parusa sa mga lalabag? Meron
din ayon sa batas. May iba-iba pang mga
proyekto ang inilunsad na ang pakay ay malunasan ang suliranin: mga karatula na
ipapaskil, mga basurahan na may makukulay na pinta, mga kasama sa parada na may
kasuotang t-shirts na nakahahalina at minsan ay may dala-dala pang mga lobo, sa
harap ng parada ay may sirena pa na animo emergency na nangungunang bumabaybay
sa mga lansangan. Sa kabila ng lahat ng
ito, bakit nananatili pa rin ang suliranin?
Matapos ng anunsiyo at launching ng mga programang pangakong kikitil sa
problema…wala na ulit papansin. Walang sisita. Walang nanghuhuli o masipag na
nagpapatupad ng batas. Lahat ay “winawalang bahala” na lamang ang kaganapan.
May pumapansin pa ba sa tulad ng
eksenang nalahad? Mali pero dahil walang
pumapansin….hindi man tama ngunit parang nagiging ordinaryong gawi lamang ng
lahat. Nagiging isang ganap na kaugalian. At kapag nakaugalian…walang
nagtatanong kung ito pa ba ay mali sa halip at sa kasamaang palad, tuluyan pa
yatang nagiging tama.
Sa aming palagay…….
Mapalad ang Nagcarlan na
mabiyayaan ng napakagandang lokasyon na napalilibutan ng malalawak na lupaing
sakahan at mga kabundukan. Dahil sa napakainam na lokasyong bulubundukin ng bayan, anupa at may kaaya-ayang klima at naguumapaw na mga bukal ng tubig, batis,
ilog na bumabagtas sa mga luntiang kapaligiran. Payak man ngunit mapayapa at kasiyasiya
ang pamumuhay kung kaya malaking bilang ng mga lokal na naninirahan dito ay
tradisyunal at sulit na sa kanilang simpleng pamumuhay.
Sa ganitong kalalagayan, salat
ang ating bayan sa mga programang lilinang sana sa mga katangi-tanging lugar na
maaaring maging potensiyal na atraksiyon.
Ang mga lugar na kapag nabigyan ng buhay at pagkilala ay maaaring
makapagdulot ng iba pang oportunidad makapagbabago sa uri ng pamumuhay na kanilang
tinatamasa. Hindi man tatalikuran ang mga tradisyon at nakagawiang pamumuhay, magkakaroon
naman ng marami pang pagkakataon para sa mga mamamayan nito na makapamuhay ng
sagana at hindi mapagiiwanan ng kabihasnan.
Ang konsepto po ng grupong AHON
ay kalinangang natural na hindi kinakailangan ng konkretong istruktura. Ang
ating bayan ay maganda na sa kanyang natural na anyo. Nangangailangan lamang
nito ng tamang pagpapahalaga mula sa mga mamamayan nito, proteksiyon at
pangangalaga sa mga yaman nating likas, kalinisan, kaayusan, at kapayapaan ng
buong munisipalidad at mga nagkakaisang mamamayan nito na magpapatuloy hanggang
sa mga susunod pang mga salinlahi. Hindi
nangangailangan ng malaking halaga para gugulin sa mga programang pangkaunlaran
sa halip, oras, malasakit at sama-samang pagkilos sa iisang layunin ng mga
mamamayan nito. Samakatuwid, disiplina
at tulong-tulong na pagtataguyod sa iisang pamamaraang pangkaunlaran. Kung
gaano mo kamahal ang iyong sarili at pamilya, ganon ding pagmamahal ang inaasam
ng pamayanan mo mula sa iyo. Pamayanang
nagkakaisa at nagtutulong-tulong para sa kapakanan ng bawat isa.
Ang Pangarap ng AHON
Magkaroon ng “paradigm shift” kung paano bibigyang pansin at solusyon ang problema sa kalinisan at kaayusan at sa iba pang isyung maaaring makaharap.
Lubhang mahirap maisakatuparan ang
isang layunin kung ang mga taong patutungkulan natin ng ating pagkilos ay may
ibang pangunawa, katuwiran at pagpapahalaga.
Upang maging mabisa ang pagsasagawa ng anumang pagkilos, nangangailangan
pala muna nito ng matibay na sandigan upang maisagawa ang lahat ng ating
nasasaisip na solusypn. Isang haligi na matibay, hindi maigugupo ng anumang
hamon o tukso ng pagbabago o pagkamakasarili.
“Value Formation”. Isang
pamantayang una sa lahat na nararapat maintindihan
at pahalagahan ng lahat. Disposisyon at
pagpapahalaga sa kagandahang asal na dapat itinataguyod unang-una na sa ating
mga tahanan, at siya ring isinasakatuparan sa lahat ng paaralan, pinaiiral sa
mga pamayanan at ipinatutupad ng pamahalaan pabalik sa lahat ng mamamayan.
Isang malaking hamon ang
pagsikapang gumawa ng natatanging pamantayan sa lahat ng mga programang
ipatutupad sa bawat tahanan, paaralan, lipunan at bansa. Simpleng mga programang
tutukoy sa iisang direksiyon lamang: Kagandahang Asal at Respeto sa Kapwa.
Lubhang mahirap isipin sa ngayon
kung paano ito masisasakatuparan. Napakalayo na ng ating kalagayan sa kung ano
ang nararapat at huwaran. Bagaman tila imposible sa kasalukuyan, naniniwala pa
rin naman ang grupong AHON na maisasagawa ito ng mga tamang tao sa tamang
pagkakataon. Pwede namang simulan, ipabatid sa mga kinauukulan na may mga grupo
pa tulad ng AHON na nagnanais makatawid mula sa kasalukuyang kalagayan hanngang
sa kung ano ang nararapat at matuwid.
Pero hindi po hero ang AHON o
umaastang parang mga bayani. Nais po lamang naming manatili ang natural na
kagandahan ng ating bayan. Sa amin, tila isang “Paraiso” kung saan may laya
kang makapapasyal ng matiwasay, masaya, masagana sa yaman ng kapaligiran. Kung
saan mulit-muli pa, walang humpay sana nating tamasahin ang sariwa at
maaliwalas ang hangin dulot ng luntiang kapaligiran at ang mga naggagandahang
tanawin na matutunghayan sa bayan ng
Nagcarlan. Malinis, payapa at may mabubuting mamamayan.